NONITO “TATAY ED” AGUIRRE SR.

Published on 2016-10-05

Si Tatay Ed noon ay prinsipal ng Elizalde High School ng Central de Asucarera del Pilar sa Capiz. Dahil mabuti ang pagganap bilang prinsipal, kinuha siyang personnel manager ng nasabing sentral sa edad na higit kwarenta.

Sa panahon ding iyon nakontak siya ng mga aktibista at kasamang kamag-anak din niya noong maagang bahagi ng 1971. Panahon ito ng First Quarter Storm. At dahil malakas kay Tay Ed ang nasyunalismo at pagkondena sa pang-aapi at pagsasamantala ng malalaking asendero na nasaksihan niya sa kanilang lugar (pagpatay, paglatigo ng mga sakada, at iba pang pagpapahirap sa mga maralita), sumapi siya sa Makabayang Samahan ng mga Propesyunal o MasangProp. Naging opisyal siya ng MasangProp at kahit pa man may mataas siyang posisyon sa trabaho hindi siya nag-aalangang sumama sa mga rali at magwagayway ng bandilang pula sa bayan.

Naging kasapi ng Partido at mabuting kadre si Tatay Ed noong 1972. Pagdeklara ng batas militar, halos dalawa sa tatlong bahagi ng organisasyong Masang Prop ang nadakip. Nireyd naman ang bahay ni Tatay Ed, subalit nakaatras siya at tuluyan nang namundok.

Iniwanan ni TayEd ang mga opurtunidad at maginhawang pamumuhay kasama ng kanyang pamilya upang maglingkod sa masa at rebolusyon. Naging mabuti ang relasyon niya sa mga kasama at masa; sanay siyang makibagay sa iba’t ibang tao at nakawiwili ang galing niyang magdala ng kwento. Sa mga komunidad, naging malapit siya sa mga bata, kaya tinatawag siyang Tatay Ed.

Noong 1973, naitatag ang iskwelahan sa literasiya sa hangganan ng Aklan-Capiz sa pagtugon sa pangangailangan ng masa at mga bata. Marami siyang naitulong dito lalo na sa paggawa ng kanta, tula at kurikulum na rebolusyonaryo ang nilalaman; nakatulong din siya sa paglulunsad ng adult education (edukasyon para sa may edad) para sa mga matatandang hindi natutong magsulat at magbasa. May mga nilikha rin siyang komposo na hanggang sa ngayon ay popular sa mga kasama at masa. Ilan sa komposisyon niya ay ang kantang Ang Nasyon Pilipinas at Yari Kaming mga NPA.

Nireyd ng kaaway sa pamumuno ng PC na si Porping Cataluna ang iskwelahan sa taon ding iyon. Hanggang ngayon, hindi makalimutan ng masa ang ginawa ni Tay Ed. Ang mga batang tinuruan nila sa iskwelahan ay siya na ngayong namumuno sa baryo bilang mga kagawad ng konseho sa baryo na aktibong lider ng mga organisasyong masa.

Sa pagpapatupad ng patakarang ”magtanim ng kadre” naging bahagi siya ng Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP) na umiikot sa hangganan ng Aklan at Capiz. Panahon din ito na batbat ng problema at atake ng kaaway ang yunit subalit naging aktibo si Tay Ed sa pagpopropaganda at pagpapaliwanag sa mga kasama ng wastong aktitud sa gutom, sakripisyo at iba pang mga kahirapan na dinaranas ng hukbo. Malaki ang naging papel niya sa pagtulong na mapatatag pa ang pasya ng mga kasama na magpatuloy sa kabila ng mga kahirapan.

Noong taong 1973, sa Libacao, Aklan, buong gabing nagmamartsa ang yunit nina Tay Ed mula sa paggampan ng gawaing masa sa baryo. Habang tumatawidang mga kasama sa ilog Aklan, sinalubong sila ng rumaragasa at umaalimbukad na baha. Nagkahiwa-hiwalay ang mga kasama dahil sa laking bahay na ulo ng bahang humampas sa kanila. Si Tay Ed ay naanod at nalunod.

Nang makita ang bangkay ni Tay Ed sa baryo Riviera (ilaod ng ilog), ibinalik ito sa kanyang pamilya. Nagdaos ng pulong parangal para sa kanya ang mga kasama at masa sa erya. Ipinaabot din sa kanyang pamilya ang binilin niyang paglagay ng “CPP-NPA” sa lapida ng kanyang nitso.

Huwaran siya sa pagpapanibagong-hubog ng sarili sa paglilingkod sa sambayanan. Masigasig siya sa pagpapataas ng moral ng mga kasama at walang maririnig na reklamo mula sa kanya sa usapin ng kahirapan. Naging inspirasyon si Tay Ed sa pagharap at pag-igpaw sa mga malalaking hamon sa panahong tinatatag pa lang ang kilusan. Ito’y sa kabila ng malaking oportunidad niya sa burgis na pamumuhay. Siya ay namuno sa pamamagitan ng halimbawa.